Monday, September 5, 2011

Bakit nga ba..?

i have already posted this on my facebook account... and decided to post it here again. not that im darn lazy to make a new one but im feeling kinda gloomy today.. this is quite long and im not sure if someone will dare to read it till the end. anyway, salamat sa pagbasa kahit man lng ng umpisa. :D:D

Simple lang ang aking buhay. Isang simpleng taong maraming gustong gawin, maraming gustong maging…na minsan pinagkakaitan ng pagkakataon, na minsan tinatalikuran ng swerte, na minsan sinuswerte, na kahit papano nabubuhay, kumakain ng tatlong beses sa isang araw, at kahit papano me nagmamahal na mga magulang, kapatid, mga anak at asawa….
Ang tanong, parehas ba tayo?
Pwede…
Ang ating karanasan, katulad ng karanasan ng iba pang tao dito sa mundo ay nakasalalay lamang sa kung papaano nating tanggapin. Sa tuwing tayo ay nag iisa madalas nating naaalala ang mga di kanais nais na nangyari sa ating buhay at kadalasan ding kaakibat ang isang tanong.
Bakit kaya nangyari ang ganun?
Kung ang naranasan ay isang parang napakasamang panaginip, ating tatanungin ng “bakit nangyari..”pero kung ang mga nangyari ay nagpasaya, nagbigay ng kaluwalhatian, hindi man lamang natin naitanong ang 'bakit nga ba? atin na bang natanong na karapat dapat ba tayo sa kaginhawaang natatanggap natin? o dili kaya bakit nabibigyan tayo ng maginhawang buhay? maginhawa ka na nga magtatanong ka pa, ang mapilosopong sagot. sa palagay mo masasagot ba natin ang ating sarili ng pano kung me gusto ang Diyos na dapat nating gawin kaya tayo ay nakakaranas ng ganitong maginhawang sitwasyon.
 Aminin man natin o hindi ang mga masamang karanasan ay ang nakakapagpabago sa atin. Sa iba posibleng gawin ulit at sa iba naman ay tuluyan nang iniwasan. Me mga oras din na di maiwasan ng isang tao na mapunta ulit sa ganung karanasan sa di alam na kadahilanan o baka dahil kanya lamang isinasantabi na posible muling mangyari ang naranasan. Kanya kanya naman tayo ng pagpili ng kung ano ang tama at mali, ng kung ano ang gagawin. Marami ang nagtatanong bakit nangyari sa kanila ang mga bagay na ganun o kaya bakit kailangang maranasan ang isang di kananis nais na pangyayari ng isang taong gusto lang mabuhay ng simple at matiwasay. Marami ang katanungan ng isang tao at kanya kanya ring pag aasam na sana sila ay masagot ng Poong Maykapal.
 Maaaring sabihin ng isang taong makakakita sa akin na nasisiraan na ako ng bait dahil nagsasalita ako, ngumingiti, tumatawa, naiinis, sumisimangot, pinapakita ang nasa loob kahit di nakikita ang kausap. Di bale na, basta nasasabi ko ang gusto kong sabihin sa Kanya at basta alam ko kahit papano nakikinig Siya. Naiisip ko minsan na hindi ko na lang sabihin o itanong sa Kanya ang mga simpleng tanong na nasa aking isipan dahil sino nga ba ako para magtanong. Sa aking sarili, ang mga katanungang - Bakit nga ba ganun ang buhay, maraming kriminalidad ang nangyayari sa paligid at di malaman kung kelan matatapos, ay miminsanan na ring namutawi. Sa palagay ko din kahit kelan hindi mangyayaring matapos. Kahit na anong pagdasal ng mga relihiyosong tao, magkakaroon pa rin ng mga taong umiikot lamang ang imahinasyon sa sarili... at maaaring isa rin itong katanungan. Bakit nga ba hinahayaan ng Diyos ang lahat ng ‘to? maaari rin na ang posibleng sagot ay para malaman ng tao ang tama at mali. Sa ganitong kaso me kabayaran sa kahit na ano…
Kanya kanya mang iwas sa gulo at disgrasya, mangyayari pa rin ang mangyayari. Kahit gaanong pagdadasal ng isang ina na sana walang masamang mangyari sa kanyang anak dahil siya ay pinadala ng gobyerno sa paglusob sa isang bansa, bakit umuwi pa ring walang buhay at ngayon itinuturing na bayani ng giyera..? Naisip ko lang, ang bawat tao nasa tiyan pa lang ng kani kanilang ina meron ng destinasyong patutunguhan. Nakaplano. Alam ng Diyos kung ano ang mangyayari sa atin, ano ang iniisip natin, gagawin at mararamdaman. Sa madaling salita alam ng Diyos ang lahat at siya rin lang ang makakapagbago ng ating patutunguhan na yun.
Sa mga sinabi kong ito ay hindi ibig sabihing me sarili akong relihiyon. Ang sinasamba kong Diyos ay ang diyos na pinapaniwalaan ng lahat. Naininiwala akong kahit na ano pa ang paniwalaang relihiyon ng isang tao makakapasok pa rin siya sa kaharian ng diyos hanggat wala siyang inaapakang tao o sinasaktan.. Walang ginagawang masama, o kung meron man taos pusong pinagsisihan at paghingi ng tawad.
 Sa mga di magandang nangyaring naranasan, iniiwasan ko ang magtanong dahil ang nasa aking isipan ay sino ako para tanungin Siya. Aking naiintindihan na ang lahat ng nangyayari sa aking buhay ay yun ay dahil na rin sa aking sariling gawa. Ako lamang ang tanging responsable sa aking sarili. Naniniwala akong minsan binibigyan tayo ng babala, at maaring plano na niya to.. Sabi ko nga siya lang ang may alam ng lahat at siya lang ang makakapagbago ng lahat ng yun. Kung di man tayo nakinig, tayo na ang masisisi. Kung di man natin narinig, yun ay dahil tayo ay maingay at walang panahon. Naniniwala din akong sa tuwing pagsubok na dumarating, me darating na bagong buhay. Kahit pa muling dumating ang unos, walang dapat ipag alala dahil makakasigurong muling darating ang kaginhawahan.
Sa mga problemang dumating, mga pagsubok sa aking buhay, sa mga karanasang nangyari, ang tinatanong ko ay ang sarili ko. Bakit nangyari yun..? At kahit na anong sakit ng ulo at bigat ng dibdib sa pag alala ng nangyari, malalaman ko kung bakit…..
 Kanya kanyang karanasan, kanya kanyang tanong. Alam mo ba ang mangyayari sa iyong sariling kinabukasan? Alam mo ba kung kelan darating ang mga pagsubok sa iyong buhay? Alam mo ba kung kelan darating ang swerteng makakapagpabago sa iyong kinabukasan…? O kung kelan darating ang dahilan ng kamatayan….? Pano nga ba kung mangyari ito sa di inaasahang panahon.. Sa iyo man o sa isa sa mga mahal mo sa buhay… magtatanong ka kaya ng bakit….?
 Sa iyong pagtanong at kung sakaling me makuha kang sagot, ito ba ay iyong matatanggap? Sa bawat tanong natin ng Bakit, ang kaakibat nito ay ang kung gaano katatag ng ating pananampalataya.
  Maraming karanasan, maraming naranasan, simple man o malaki, tama man o mali, pangit man o maganda, gusto man o ayaw, me kaakibat pa ring tanong…            
  Bakit?….
  Sa iyong buhay at sa iyong mga naranasan magtatanong ka ba……..
  Bakit nga ba…?